![]() |
|||
A MESSAGE FROM THE SCHOOL DIRECTOR |
|||
WORD OF THANKS Sa bahaging ito ng ating pagdiriwang, nais ko pong pasalamatan una sa lahat ang Kanyang Kabunyian, Gaudencio B. Cardinal Rosales. Salamat po sa pagtitiwala ninyo sa akin. Mabigat po ang ipinatong ninyo sa aking mga balikat. Nawa'y matapatan ko nang dalisay na paglilingkod ang inyong pagtitiwala. Nais ko ding pasalamatan ang mga obispo at mga paring dumalo sa pagdiriwang na ito. Salamat sa pagkakaibigan na inyong ipinakita. You all deserve a bonus. Salamat din po sa mga madre mula sa iba't ibang kongregasyon, sa loob man o labas na parokya. Lagi po ninyong isama sa panalangin ang parokyang ito na mahal ng Diyos. Ibulong na rin po ninyo sa Diyos ang aking pangalan upang kanyang alagaan. Salamat po sa mga kaibigang nagmula sa iba't ibang parokya at paaralan na aking pinamahalaan sa mga taong nagdaan: ang mga taga-Alabang, mga taga-Navotas, at mga taga-Pateros. Ang pagparito ninyo ay patunay na ang pagkakaibigan ay hindi napuputol ng layo. Pagpalain kayong lahat ng Poong Maykapal. Sa huli, nais kong pasalamatan si Msgr. Rolly Cirilos sa kanyang pangangalaga sa parokyang ito sa loob ng 14 na taon. Sa mga taga Parokya ni San Antonio de Padua sa Singalong: kayo po ang pinaglingkuran ko ng pinakamahabang panahon: walong taon at apat na buwan. Sa mga taon at buwang iyon, sama-sama tayong naglakbay patungo sa Panginoon. Hinayaan ninyo ako na maging pastol sa inyo. Sa inyong piling, nadama ko ang pagmamahal ng Panginoon sa pamamagitan ng inyong taos-pusong pagmamahal at pag-aalaga sa akin. Nabawasan ang aking buhok sa Singalong, subalit nadagdagan naman ang bilang ng aking mga kaibigan. Nabuo ang ating pagkakaibigan bunsod na rin ng ating pakikipagkaibigan kay Jesus. Salamat po sa walong taon at apat na buwang biyaya. Batid ng Diyos: mahal na mahal ko po kayong lahat, ngunit sana po ay maunawaan ninyo: taga Paco na po ako ngayon! Pwede kayong dumalaw, pero bawal ang lumipat. Sa mga taga Parokya ni San Fernando de Dilao dito sa Paco: Nais ko pong samantalahin ang hapong ito upang aking ipahayag ang aking saloobin bilang inyong bagong pastol. Narito po ako bilang pagsunod sa kagustuhan ng aking Arsobispo. At mananatili po ako dito sa Paco hangga't gusto niya. Pagdating ng araw, kapag sumapit na ang oras ng paghihiwalay upang tumungo ako sa bagong gawain, muli akong tatalima sa nais ng aking Arsobispo. Sa gawing kaliwa ninyo, sa bandang itaas ng simbahan ay nakasulat ang ganito sa wikang Latin: Dominus Jesus Christus factus est obediens usque ad mortem mortem autem crucis. The Lord Jesus Christ was made obedient all the way unto death, even the death on the cross. Nawa ang ating pamayanang Kristiyano dito sa Paco ay laging maging larawan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos katulad ng halimbawang ipinakita ni Jesus, ang masunuring Anak. Kaya ang una kong gagawin ay ang makinig: makinig sa inyo, makinig sa aking mga kapwa pari dito sa parokya, at makinig sa Diyos na nangungusap sa atin sa mga pangyayari sa ating buhay. Because at the core of obedience is attentive listening. Narito po ako upang samahan kayo sa pagtahak sa landas ng kabanalan! Sa altar ng ating simbahan ay mababasa natin: Sanctus, Sanctus, Sanctus, Dominus Deus Sabaoth! Banal, Banal, Banal, Panginoong Dios ng mga hukbo! Sa araw-araw na ating tutunghayan ang mga salitang ito, nawa'y maalaala natin ang kabanalan ng Diyos at ang tawag sa atin na maging banal ding katulad niya. Sisikapin ko na ang pagdiriwang natin ng Liturhiya, lalo na ang Banal na Misa, ay maging isang tulay patungo sa lalo nating ikababanal. Samahan ninyo ako sa pananalangin. Ipanalangin natin ang bawat isa. Let us be holy together. Paikot sa gawing ibaba ng domo ng simbahan ay ang mga salita sa Latin: Lumen ad revelationem gentium et gloriam plebis tuae Israel. A light to reveal you to the nations and the glory of your people Israel. Narito po ako upang ipahayag sa inyo ang liwanag na si Kristong Panginoon. Noong unang linggo ng aking pagmimisa dito sa Paco, binanggit ko na ang misyon ng isang pari ay ipagpatuloy ang misyon ni Jesus. Walang ibang atas na gawain ang isang pari, wala siyang ibang programa maliban sa ipahayag si Jesus, ang liwanag ng mundo. Ipagdasal ninyo na lagi akong maging tapat sa misyong ito. Batid kong hindi ko magagawang mag-isa ang lahat ng dapat gawin. Tao lamang po ako, tulad ninyo, na mahina at kapos. Sabi nga ni Noynoy, "kayo ang aking lakas." I need your great talent, energy, collaboration, faith, loyalty, and honest counsel. Sa ganoon, pagdating ng wakas ng aking paglilingkod sa inyo, ay masabi natin: NAGAWA NAMIN ITO. KAMI ANG KUMILOS. TAYO ANG KUMILOS, SA TULONG AT AWA NG PANGINOON! Kaya sama-sama po tayong maglakbay, sama-sama tayong manalangin upang maganap natin dito sa Paco ang pananaw nating maging isang bayang tinawag ng Ama kay Hesukristo, upang maging sambayanan ng mga taong may kaganapan ng buhay, sumasaksi sa paghahari ng Diyos, nagsasabuhay ng Misteryo Paskal, sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, kasama ang Mahal na Ina, ang Birheng Maria. Amen. Maraming salamat po!
|
|||
director@pacocatholicschool.edu.ph |
ABOUT MONSIGNOR ROLLY | ||
| THE BOARD OF TRUSTEES | |||
| THE ADMINISTRATION | |||
| PAST SCHOOL DIRECTORS | |||
| PROJECTS AND SPEECHES | |||
| HOME | |||